Friday, July 29, 2011

ANG AKING HULING PAALAM

Originally written in Spanish, this Tagalog translation of the famed poem written by the Philippine National Hero Dr. Jose Rizal's "Mi Ultimo Adios" was done by the revolutionary hero Andres Bonifacio.

Paalam, sinta kong Lupang Tinubuan
Bayang sinagana ng sikat ng araw
Marikit na mutya ng dagat silangan
Edeng maligayang sa ami'y pumanaw.

Sa iyo'y handog ko ng ganap na tuwa
Malungkot kong buhay na lanta at abâ
Naging dakila man, boong pagnanasang
Ihahandog ko rin sa iyong paglaya.

Ang nangasa digmang dumog sa paglaban
Alay din sa iyo ang kanilang buhay
Hirap ay dî pansín at dî agam agam
Ang pagkaparool o pagtatagumpay.

Bibitaya't dusang linikhâ ng bangis
O pakikibakang lubhang mapanganib
Walang kailangan kung ito ang nais
ng bayan at madlang pinakaiibig.

Mamamatay ako, ngayong namamalas
Ang bukang liwayay na nanganganinag
ng minimithî kong araw na sísikat
Sa likod ng dilím na kagulat gulat.

Kung ang kulay pula'y kinakailangan
Upang itina mo sa iyong liwayway
Dugô ko'y ibubò pangiti kong alay
Nang iyang sinag mo ay lalong dumingal.

Lagi kong pangarap mulang magkaisip
Magpahangga ngayong maganap ang bait
Ay mapanood kang hiyas na marikit
Nang dagat silangang dito'y lumiligid.

Mata mong marikit sana'y lumigaya
Walang bakas luha't puspos na ng sigla
Tingalâ ang noo, balisa'y walâ na
Walang bahid poot walâ nang pangamba.

¡Pangarap ng buhay! Marubdob kong nais,
Ikaw ay lumusog, hiyaw ng pagibig
ng kalulwa kong gayak sa pagalis
Upang lumaya ka, buhay ay lumawig.

Kay tamís malugmok, matanghal ka lamang
Mamatay ng upang mabigyan kang buhay
Mamatay sa silong ng langit mong mahal
Malibing sa lupang puspos karikitan.

Kung sakasakaling sa aba kong libing
Mayuming bulaklak ay iyong mapansing
Sumilang sa gitnâ ng damong mahinhín
Hagka't ang halík mo'y aking tatanggapin.

Sa noo kong hapô na doo'y ninidlíp
Sa libingang hukay na lupang malamig
Ay tatanggapín ko ang iyong pagibig
Init ng pagiliw ng nínintang dibdib.

Bayaan mong ako'y malasin ng buwan
Nang kanyang liwanag na lubhang malamlam
Bayaang ihatíd sa aking libingan
Mahinahong sinat ng kanyang liwayway.

Bayaang humibik ang simoy ng hangin
At kung may dumapò sa Tanda ng libing
Na ano mang ibon, bayaang awitin
ng huning matimyas ang payapang aliw.

Bayaang ang araw na lubhang maningas
Ulan ay tuyuin, singaw ay itaas
Maging panganuri't dalisay na ulap
Kalangkap ang hibik ng aking pagliyag.

Bayaang ang aking maagang pagpanaw
Itangis ng isang tapat na magmahal
Kung payapang hapon sa aki'y magalay
ng isang dalangin, ako'y patungkulan.

Idalangin mo rin ang kinapos palad
Na nangamatay na, yaong nangaghirap
Sa tanang pasakit, at ang lumalangap
Naming mg̃a ina ng luhang masaklap.

Iyong idalangin ang bawa't ulila
Ang nangapipiít na nangagdurusa,
Iyong idalangin sana'y matubos ka
Sa pagkaaliping laong binabata.

Kung nababalot na ang mga libingan
ng sapot ng gabing payak kadiliman
Kung wala ng tanod kundî pawang bangkay,
Huwag gambalain ang katahimikan.

Pakimatyagan mo ang hiwagang lihim
At mapapakingan lungkot ng taginting
ng isang kudyapi, ito ay ako rin
Inaawitan ka ng boong paggiliw.

Kung ang libingan ko'y limot na ng madla
At wala ng kuros ni bato mang tanda
Sa nangaglílinang ay ipaubayang
Bungkali't isabog ang natimping lupa.

Ang mg̃a abo ko bago pailanlang
Mauwî sa wala na pinanggalingan
Ay makalat ulíng parang kapupunan
ng iyong alabok sa lupang tuntungan.

Sa gayo'y wala nang ano man sa aking
Ako'y limutin mo, aking lilibutin
Yaong himpapawid, kaparanga't hangin
At ako sa iyo'y magiging taginting.

Bango, tingig, higing, awit na masaya
Liwanag at kulay na lugod ng mata,
Uulit ulitin sa tuwítuwî na
Ang kataimtiman ng aking pagsamba.

Sintang Pilipinas, Lupang Tinubuan
Sakit ng sakit ko, ngayon ay pakingan
Ang hulíng habilin: Sa iyo'y íiwan
Ang lahat ng lalong inirog sa buhay.

Ako ay tútungo sa bayang payapa
Na walang alipi't punong mapangaba
Doo'y di nanatay ang paniniwala
At ang naghahari'y yaong si Bathala.

Paalam na ako, magulang, kapatíd,
Bahagi ng puso't unang nakaniíg,
Ipagpasalamat na ako'y malingíd
Sa buhay na itong puspos ng ligalig.

Paalam irog kong Banyagang hirang
Aking sinisinta, aking kasayahan.
Paalam sa inyo mg̃a minamahal
Mamatay ay ganap na katahimikan.

No comments:

Post a Comment